Hindi raw inakala ng baguhang komedyante na si Cai Cortez na magiging official entry ng Pilipinas ang independent movie na Ang Babae sa Septic Tank para sa 84th Academy Awards sa susunod na taon.
Ang naturang pelikula ay unang ipinalabas, at nagwagi ng limang major awards, sa Cinemalaya Philippine Independent Film Festival noong Hulyo.
Sa huling balitang nakalap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) mula sa isang source sa Film Academy of the Philippines (FAP), kasama na sa short-listed film ang pelikulang pinagbidahan ni Eugene Domingo sa Best Foreign Language Film category ng Oscars.
(CLICK HERE to read related article.)
Ayon kay Cai, ang dalagang anak ng character actor na si Rez Cortez, alam niya na ito ang pinapangarap ni Eugene at ng direktor ng pelikula na si Marlon Rivera.
Pero aniya, hindi niya inakalang aabot sa ganito ang magiging pagtanggap ng mga manonood sa Ang Babae Sa Septic Tank.
"Ako, medyo skeptic pa kasi, sino ba ako?
"Ang laki ng responsibilidad naman na ganun ang balak nila para sa pelikula.
"E, si Kean [Cipriano], musician. Ako, nagsisimula pa lang.
"Si JM [de Guzman] din, parang nagsisimula pa lang," saad ni Cai.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Cai sa Traverse Ilocos Sur event noong Sabado, Disyembre 17, sa Vigan, Ilocos Sur.
Skeptic man siya, magkahalong tuwa at pressure umano ang nararamdaman niya.
Inihayag din ni Cai ang kanyang pasasalamat kina Eugene at Direk Marlon dahil siya ang piniling gumanap bilang Jocelyn sa pelikula.
Aniya, "Actually, nagpapasalamat talaga ako kay Ate Eugene kasi hindi naman ako talaga dapat sa role na 'yon.
"Ang gusto nila, babaeng payat na tahimik. Ganun talaga ang peg.
"Pero sabi ni Eugene, dapat lumulutang na babae kahit hindi nagsasalita, pak na pak."
ON HOSTING. Bukod sa pag-arte, sinubukan na rin ni Cai ang pagho-host sa pamamagitan ng food show ni Gelli de Belen sa TV5, ang Gellicious.
Co-host ni Gelli sa naturang programa si Cai at isa pang komedyante na si Pretty Trizhia.
Isa raw ito sa mga pangarap na gawin ni Cai bilang celebrity. Kaya naman nagulat daw siya nang kunin siya para makasama sa programa bilang co-host.
"Nakakagulat nga, e, bakit ako? Binunot ba ako sa balota ng mga random na artista?
"Napakatagal ko na siyang 'pinagdasal bilang parang gusto ko ng travel show, masayang kumain, ganyan," sabi niya.
Dagdag niya, "[I want to] explore the Philippines dahil alam kong maraming nasa Pilipinas na parang hindi ko alam.
"So, sabi ko, ito ay perfect."
Nabanggit din ni Cai kung gaano siya kasaya dahil kasama niya sa show si Gelli, na noo'y napapanood niya lang sa telebisyon at pelikula.
"Sobrang nakaka-proud kasi si Ms. Gelli, talagang napakatagal na sa industriya natin, e.
"Talagang institusyon na siya, siya si Gagay.
"So, parang ang dami kong natututunan sa kanya. Marami siyang advice bilang nakatatanda at mas experienced sa buhay."
Bagamat nasisiyahan siya sa kanyang trabaho bilang host, hindi naman daw ibig sabihin nito ay kakalimutan ni Cai ang pagiging artista.
Aniya, masayang gawin ang parehong trabaho.
"It's two different worlds, e. May kanya-kanyang perks, e.
"Kasi, sa acting naman, love ko talaga siya.
"Pero 'yong work ko ngayon bilang host sa Gellicious, as a person na mahilig mag-travel...parang both sides of personal and career natutupad sa programang ito."